
Ipinabubuwag na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang tanggapan ng Office of the Presidential Adviser on Military and Police Affairs (OPAMPA).
Batay sa Executive Order No. 89, sinabi ng pangulo dapat pag-aralan kung kailangan pa ba ng hiwalay na tanggapan na mangangasiwa sa mga sundalo at pulis sa ilalim ng Office of the President.
Ikinonsidera aniya rito na gawing simple ang hanay ng gobyerno, gayundin ang pagpapatupad ng rightsizing o pagbabawas ng mga kawani at empleyado.
Sa ilalim ng kautusan, ang Office of the Executive Secretary, Department of National Defense, National Security Council, PNP, National Police Commission, at iba pang kaugnay na ahensya ang gagawa ng tungkulin ng OPAMPA.
Inaatasan din ang OPAMPA na isalin sa Office of the Deputy Executive Secretary ang lahat ng kanilang dokumento, records, at iba pang ari-arian.
Matatandaang tinanggap ni PBBM ang courtesy resignation ni OPAMPA Sec. Roman Felix matapos ipag-utos ang pagbibitiw sa pwesto ng mga gabinete ng administrasyon.









