Ipinaliwanag ng Department of Energy ang posibleng dahilan ng pagbabawas ng Organization of the Petroleum Exporting Countries (OPEC) ng produksyon ng langis sa international market.
Ayon kay DOE Oil Industry Management Bureau Director Rino Abad, nais ng OPEC na makontrol ang epekto ng agresibong interest rate hike ng Amerika na nagpapababa sa demand sa langis.
Aniya, posible nitong pahinain ang economic activity na kung magtutuloy-tuloy ay maaari namang mauwi sa recession.
“Marami ring report even International Monetary Fund (IMF) na nagsasabi, World Bank, na ‘pag hindi nasakto yung tamang interest hike posibleng sa paghina ng economic activity ay tumuloy-tuloy na doon sa recession,” ani Abad sa interview ng RMN DZXL 558.
Sa pagtingin pa ni Abad, ang naturang desisyon ng OPEC ay upang pigilan ding bumulusok ang presyo ng langis sa world market.
Matatandaang nagdagdag noon ng produksyon ang OPEC dahil inakala nitong magkukulang ang suplay ng langis bunsod ng ipinataw na import ban ng maraming bansa sa Russia dahil sa panggi-giyera nito sa Ukraine.
Pero nalaman nito na nakalusot pala ang langis ng Russia sa China at India na nagresulta naman ng oversupply.
“Maraming mga ganyang usapin na talagang kinokonsidera ng OPEC na ‘aba, nandyan na nga ‘yong August oh, nag-o-oversupply na so, tatanggalin na namin para hindi naman bumulusok yung price,” paliwanag ni Abad.
“So, nakita na natin na ‘yong epekto ng pagkakaroon ng oversupply, nagkaroon tayo ng sunod-sunod na rollback. Dito nakita natin na yung price talaga from as high as 150 nung June, ngayon nasa 116. Klarong-klaro po ‘yan doon sa OPEC member countries. Alam nila ‘yang mga prices na yan. So, alam na nila na mukhang bubulusok na yung price so, pinipigilan in short. That appears to be the conclusion. Pinipigilan nila na masyadong bumaba yung price,” dagdag ng opisyal.