Maging ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ay mahigpit ang ginagawang operasyon laban sa mga loose firearm sa bansa.
Sa katunayan ayon kay AFP Public Affairs Office Chief Captain Jonathan Zata, nitong Setyembre 8 ay naaresto nang pinagsanib na pwersa ng militar at pulisya ang 6 na indibidwal dahil sa pagsasagawa ng ilegal na aktibidad partikular ang pagre-repair at reassembly ng mga baril at ammunition.
Sila ay naaresto sa Quezon City, kung saan narekober sa kanila ang 5,000 assorted ammunition at iba pang mga personal gadget ng mga suspek.
Habang sinalakay rin ng mga sundalo at pulisya ang isang bodega sa Sta. Maria Bulacan at nadiskubre ang maraming part at iba’t-ibang klase ng mga high-powered firearm.
Sa isa pang operasyon sa Bulacan, narekober naman ang reassembled cal. 5.56 rifle, assorted ammunition, pistols, at iba pang firearm parts para i-reassemble.
Sinabi ni AFP Chief of Staff Lt. Gen. Jose Faustino Jr., malaking tulong sa kanilang operayson laban sa mga communist at local terrorist at iba pang criminal activities sa bansa ang pagkakakumpiska ng mga loose firearm na ito.
Matatandaang ang PNP ay puspusan na rin ang operasyon laban sa mga loose firearm upang hindi magamit sa karahasan lalo’t nalalapit na ang panahon ng eleksyon sa bansa.