Wala pang katiyakan kung kailan magbabalik-operasyon ang mga tren ng Philippine National Railways o PNR, na biyaheng Tutuban-Alabang at pabalik.
Ayon kay Joseline Geronimo, tagapagsalita ng PNR, bunga ito ng mataas na tubig sa karamihan ng mga riles ng PNR dahil sa pag-ulan.
Aniya, Kapag umabot na sa 24 inches ang baha sa ilang lugar gaya sa EDSA Magallanes at Paco, Manila ay hindi na pinapayagan na bumiyahe ang kanilang mga tren.
Dahil dito ay nagpasya ang PNR na ihinto muna ang operasyon ng mga tren simula kaninang alas-nuebe ng umaga at magpapatuloy ito habang hindi pa humuhupa ang baha.
Nakikipag-ugnayan na rin ang PNR sa PAGASA upang malaman kung magpapatuloy pa ba ang masamang panahon hanggang ngayong hapon.
Ayon pa kay Geronimo, humupa na ang baha sa EDSA Magallanes, pero apektado pa rin ng baha ang kanilang riles at istasyon sa Paco, Maynila at sa Dela Rosa, Makati.