Operasyon ng Coca-Cola Philippines, suspendido muna dahil sa kakapusan sa suplay ng asukal

Pansamantalang sinuspindi ng Coca-Cola Philippines Inc., ang operasyon ng apat na planta sa bansa kasunod na rin ng problema sa kakapusan ng suplay ng asukal.

Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay sa hindi awtorisadong Sugar Order No. 4 ay naitanong ni Senator Risa Hontiveros ang mga kinatawan ng kompanya ng soft drinks kung isinara ang mga planta at kung tinapyasan ang oras ng trabaho ng mga manggagawa.

Ayon kay Regulatory Affairs Director Lorenzo Tañada, kasalukuyan na tigil operasyon muna sa ngayon ang mga planta nila sa Davao, Imus sa Cavite, Zamboanga, at Naga City sa Camarines Sur.


Bagama’t tigil operasyon muna ang ilan sa kanilang mga pagawaan ng soft drinks ay tuloy pa rin ang pasahod sa mga manggagawa ng kompanya.

Naunang sinabi ng Coca-Cola Philippines na mangangailangan sila ng 450,000 metric tons ng premium refined sugar para sa kanilang manufacturers na magagamit sa buong taon.

Facebook Comments