Operasyon ng EDSA Busway, tuloy-tuloy sa kabila ng isasagawang rehabilitasyon

Tiniyak ni Department of Transportation Acting Secretary Giovanni Lopez na hindi maaapektuhan ang operasyon ng EDSA Busway sa kabila ng isasagawang rehabilitasyon sa susunod na linggo.

Ayon kay Lopez, sapat ang mga pampublikong bus na mag-ooperate sa oras na magsimula ang rehabilitasyon.

Kasalukuyang may 260 units ng bus na tumatakbo sa EDSA Busway, at may karagdagang 60 bus na maaaring i-deploy.

Sa darating na Disyembre 24 hanggang Enero 5, 2026, unang aayusin ang inner lane kung saan dumaraan ang mga bus.

Sinabi ng kalihim na kapag natapos na ang pagsasaayos sa naturang linya, ililipat nila ang mga barriers upang bigyang daan ang pagbubukas ng second innermost lane habang nagpapatuloy ang rehabilitasyon.

Samantala, inihayag ni Lopez na hindi na mae-extend pa ang operasyon ng MRT-3 sa oras na magsimula ang EDSA rehab.

Makakaasa naman ang publiko na palaging may bagon ang MRT-3 sa pagsisimula ng pagde-deploy ng mga bagong Dahlia Trains sa Disyembre 25, ayon sa kalihim.

Facebook Comments