OPERASYON NG ISANG PRIVATE WATER COMPANY SA ROSALES, SINUSPINDE

Sinuspinde ng Lokal na Pamahalaan ng Rosales ang operasyon ng PrimeWater Rosales matapos mabigong tugunan ang matagal nang reklamo ng mga residente hinggil sa maruming tubig, mababang pressure, at hindi regular na suplay.

Batay sa tala ng LGU, ilang ulit nang ipinatawag ang PrimeWater at Rosales Water District (RWD) mula pa noong 2022 upang ipaliwanag ang kalidad ng kanilang serbisyo, ngunit nanatili umanong walang makabuluhang pag-aksyon ang kompanya sa kabila ng mga paalala at palugit.

Noong Abril 2024, inamin mismo ng pamunuan ng PrimeWater sa isang pagdinig ng Sangguniang Bayan na hindi nila natutugunan ang dekalidad na supply para sa humigit-kumulang 14,000 consumers, partikular tuwing peak hours.

Naglabas din ang Office of the Mayor ng mga Show Cause Order at Final Notice of Violation, ngunit hindi nakapagsumite ng tugon ang PrimeWater sa itinakdang panahon.

Kasunod ng serye ng reklamo, pagsusuri, at rekomendasyon mula sa Sangguniang Bayan, Municipal Health Office, at Liga ng mga Barangay, nagpasya ang LGU na ipatigil ang operasyon ng PrimeWater bilang hakbang tungo sa pagresolba sa patuloy na substandard na serbisyo sa tubig sa bayan.

Kaugnay nito, ipinag-utos ng Rosales Water District Board ang pagsisimula ng termination proceedings sa Joint Venture Agreement upang ihanda ang mga susunod na hakbang para sa pamamahala ng water system ng munisipalidad.

Facebook Comments