Operasyon ng Labor Office ng Pilipinas sa Riyadh, pansamantalang sinuspinde

Pansamantalang sinuspinde ang operasyon ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Riyadh, Kingdom of Saudi Arabia matapos na magpositibo sa COVID-19 ang anim na opisyal at mga staff nito.

Sa inilabas na ulat ni Labor Attaché Nasser Mustafa kay Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello III, suspendido ang operasyon mula sa Linggo, June 14, 2020, kung saan magpapalabas na lamang sila ng abiso sa publiko kung kailan ang balik-operasyon.

Sinabi pa ni Mustafa, layon ng pansamantalang kanselasyon ng trabaho na mapigilan ang pagkalat ng sakit at makapagsagawa ng disinfection sa tanggapan.


Tiniyak naman ni Mustafa na tuloy ang trabaho ng lahat ng POLO officers at mga kawani ngunit sila ay pawang work-from-home upang makatugon sa mga tawag at makapaglingkod sa mga OFW ng 24/7 lalo na sa mga nagkaka-problema.

Base sa report ni Mustafa, 37 POLO personnel ang isinailalim sa testing matapos na magpositibo sa virus ang dalawang POLO staff na nakahawa na rin sa iba pang kawani sa nabanggit na tanggapan.

Facebook Comments