Inanunsyo ng pamunuan ng Light Rail Transit (LRT-1) ang pansamantalang “shutdown” ng kanilang operasyon sa dalawang weekend ngayong Abril.
Sa anunsyo ng Light Rail Manila Corporation (LRMC), walang operasyon ang LRT line 1 sa April 17 hanggang 18 at April 24 hanggang 25, 2021.
Ito ay para bigyang-daan ang maintenance and rehabilitation activities o pagsasaayos sa kanilang linya, mga tren, istasyon at ang pagpapalit ng overheard cater art wires upang mapabuti pa ang serbisyo sa mga pasahero.
Ayon sa LRMC, itinuloy nila ang pagsasaayos dahil hindi ito natapos noong Semana Santa.
Bukod dito, preparasyon na rin ito para sa inaasahang commercial use ng bagong Generation-4 trainsets sa ika-apat na quarter ng 2021.
Tiniyak naman ng LRMC na may ide-deploy na mga public utility bus sa Route 17 o Monumento hanggang EDSA via Rizal Avenue/Taft Avenue upang magsakay ang mga pasahero na maaapektuhan ng pansamantalang weekend shutdown, alinsunod na rin sa Department of Transportation.
Samantala, sinabi ng LRMC na walang pagbabago sa service schedule ng LRT-1 sa weekday o Lunes hanggang Biyernes, alas-4:30 ng umaga hanggang alas-9:15 ng gabi, Northbound train at alas-4:30 ng umaga hanggang alas-9:30 ng gabi para sa Southbound train.
Patuloy rin ang paalala sa mga commuter na tumalima sa health protocols kontra COVID-19.