Operasyon ng LRT-2 mula Recto hanggang Cubao, sisikaping maibalik ngayong araw

Sisikapin ng pamunuan ng LRT-2 na maibalik ang operasyon ng tren mula Recto hanggang Cubao vice versa ngayong araw.

Ito’y matapos masunog ang Uninterrupted Power Supply (UPS) sa electrical room ng LRT-2 Santolan.

Ayon kay LRT-2 Spokesman Atty. Hernando Cabrera, nasa 24 hanggang 25 libong mga pasahero ang apektado sa operasyon.


Ang UPS ay ang nagbibigay ng suplay ng kuryente sa signalling, fire alarm, emergency equipment ng tren at sa control at revenue line at dahil naputol ang link sa control at revenue line, hindi magiging ligtas ang operasyon ng tren.

Napag-alaman na kaninang alas-5:10 ng umaga nang nasunog ang UPS at nagbuga ng maitim na usok na umabot hanggang bubong ng tren.

Matatandan na noong nakaraang taon, pumutok ang rectifier sa pagitan ng Katipunan at Anonas Stations dahilan para malimitahan din ang operasyon ng LRT-2.

Samantala, wala namang naitalang sugatan sa insidente.

Facebook Comments