
Sinuspinde ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang operasyon ng 22 pampasaherong bus dahil sa mga paglabag nito kabilang na ang hindi pagsunod sa malinis at komportableng mga terminal.
Ayon kay LTFRB Chairman Atty. Vigor Mendoza II, nag-isyu na sila ng notification of suspension at show cause order (SCOs) sa dalawang bus companies na Elavil Tours, Phils, Inc., at AMV Travel and Tours, Inc.
17 bus ang sinuspinde ng ahensya sa Elavil Tours na hindi tatagal ng higit sa 30 araw habang lima naman sa AMV Travel and Tours.
Sa hiwalay na SCOs, iniutos din na isauli ang mga for-hire plates at ipinagsusumite ng notarized explanation kung bakit hindi dapat ma-suspend o bawiin ang kanilang prangkisa.
Sinabi ni Mendoza II na magsilbi sana itong babala sa mga kumpanya ng bus na sumunod sa minimum standard para sa ligtas na operasyon at pagpapanatili ng passenger-friendly stations at terminal.
Bukod dito, pinaiimbestigahan ni Transportation Secretary Giovanni Lopez kung may iba pang nilabag ang Elavil Tours na matapos na mahuling iligal na nagtiterminal sa Pasay City kung saan ipinasara na ito ng kalihim
Samantala, pinapaharap din ang dalawang kumpanya ngayong araw, October 22 sa opisna ng LTFRB upang magpaliwanag.










