
Balik-normal na ang operasyon ng lahat ng pantalan sa ilalim ng Philippine Ports Authority (PPA).
Ito’y matapos makalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Bagyong Tino.
Balik na rin sa regular na biyahe ang mga barko sa iba’t ibang pantalan sa bansa matapos alisin ng Philippine Coast Guard (PCG) ang No-Sail Policy na ipinatupad noong kasagsagan ng bagyo.
Kasunod nito, nagsagawa ng post-typhoon inspection ang mga Port Management Office upang matiyak ang kaligtasan at maayos na kondisyon ng mga pasilidad at kagamitan sa mga pantalan.
Tiniyak naman ng PPA ang tuloy-tuloy na operasyon at kahandaan ng mga pantalan upang mapanatili ang ligtas at maayos na biyahe ng publiko.
Pinapaalalahanan din ng PPA ang mga pasahero na makipag-ugnayan sa kanilang mga shipping lines para sa iskedyul ng biyahe at iba pang abiso, lalo na kung may pagbabago sa lagay ng panahon.









