Unti-unti nang nagbabalik-sigla ang mga restaurant sa Metro Manila matapos na ibaba sa Alert Level 2 ang rehiyon.
Ayon kay Resto PH President Eric Teng, marami na ulit ang kumakain sa mga restaurant lalo ngayon na pinayagan nang makalabas ang mga bata.
Gayunman, maraming kainan pa rin sa mga central business district at tourism destination sa maraming lugar sa bansa ang hindi pa lubos na nakakabawi dahil sa mga pinaiiral na restriksyon.
“Nabuhayan po kami ng loob namin dahil nagkatao na po sa restaurants. We’re grateful na nasa Alert Level 2 na tayo, sana naman tumagal na tong sitwasyon natin,” saad ni Teng sa interview ng RMN Manila.
Samantala, halos 100% na rin ng kanilang mga empleyado ang bakunado na kontra COVID-19.
Ayon pa kay Teng, marami sa kanilang mga empleyado ang nakakapagtrabaho na ulit pero may ilan na takot pa ring bumalik dahil sa hirap sa pagbiyahe.
“Even though our staff are 100% vaccinated, ang family nila is not necessarily 100% vaccinated kaya sometimes po nahihirapan silang i-balance yung work and safety aspects po ng personal life nila kaya nahihirapan pa rin po kaming ipapasok lahat ng gusto namin, so we tend to re-hire new people na rin ngayon,” paliwanag niya.