Hindi makakaapekto sa operasyon ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 ang kasalukuyang pagkukumpuni ng nagpalyang air conditioning system sa paliparan.
Sa panayam ng RMN Manila, sinabi ni Manila International Airport Authority (MIAA) General Manager Eric Jose Ines na inaasahang matatapos ngayong araw ang pagsasaayos ng nasirang cooling tower na naging dahilan ng paghina ng aircon sa airport.
Giit ni Ines, prayoridad nila ang tuloy-tuloy na sistema sa paliparan habang nireresolba ang mga technical problem.
“Hopefully matapos ngayong umaga o ngayong tanghali yung isang cooling tower para tuloy-tuloy andar ng tatlong chiller para gumanda yung temperature na gusto natin, maabot natin yung kahit hanggang 22 degrees lang. Mas importante, binigyan namin ng priority na tuloy-tuloy yung system, mga check-in, immigration, final security check tsaka boarding para walang ma-delay na flight kahit papaano, ayon lang medyo may konting init lang.”
Kasabay nito, hiniling ni Ines ang pang-unawa ng mga pasahero dahil ginagawa na aniya nila ang lahat upang maiwasan ang total power lost sa paliparan.
Nabatid na pumalya ang ilang cooling towers sa NAIA Terminal 3 noong Sabado ng gabi kaya kinailangan itong pansamantalang patayin.