Nanawagan si Senator Christopher Bong Go sa gobyerno na palakasin pa ang operasyon ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) upang mahimok ang mga barangay na paigtingin ang kanilang panawagan sa mga rebelde na magbalik loob.
Sinabi ni Go na dapat paigtingin ng bawat barangay ang kanilang pagsisikap na kumbinsihin ang mga rebelde na mas masarap mabuhay sa mga bayan sa halip na sa mga bundok.
Ayon kay Go, malaking bahagi ng ikatatagumpay ng kampanya kontra mga rebelde ang mga programa ng NTF-ELCAC na nakatutulong sa development ng mga barangay.
Sinabi ng senador na kailangan nang matapos ang labanan sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at ng mga rebelde.
Binigyang-diin ng senador na sa tuwing may namamatay na rebelde o sundalo may pamilyang nauulila.
Muling nangako ang mambabatas na susuportahan ang pangangailangan ng NTF-ELCAC at maging ang Balikloob Program ng gobyerno para sa kapayapaan.