Inihayag ngayon ng palasyo ng Malacañang na sa kabila ng tigil-pasada ngayong araw ay nananatiling normal ang operasyon ng pampublikong transportasyon sa buong bansa, maliban sa ilang ruta sa National Capital Region (NCR).
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Secretary Cheloy Garafil, base ito sa reports mula sa Department of Transportation (DOTr), Land Transportation and Franchising and Regulatory Board (LTFRB), Metro Manila Development Authority (MMDA), at Philippine National Police (PNP).
Diin ni Garafil, may sapat na assets at mga tauhan ang pamahalaan para matugunan ang pangangailangan ng publiko tulad ng Libreng Sakay program na pangunahing umalalay sa mga commuter na apektado ng transport group strike.
Binanggit ni Garafil na patuloy ang maayos na biyahe ng EDSA Busway Carousel habang puspusan naman ang paghahatid ng PNP sa mga pasahero mula sa Almar Subdivision sa Caloocan patungong Quezon City at sa rutang Dapitan patungong Baclaran.
Dagdag pa ni Garafil, alas-4:00 pa lang ng madaling araw ay may nakaposisyon ng mga bus na nagbibigay ng Libreng Sakay sa Pasay City, Marikina City, Caloocan City, at Quezon City.
Sinabi pa ni Garafil na agad ding natugunan ang 30 na stranded passengers na naitala sa SM-Crossing Calamba Terminal bukod sa nananatili ring normal ang operasyon kaugnay sa biyahe ng mga pampasaherong jeep mga ruta ng Calamba-Biñan at Calamba-Pacita Complex.