OPERASYON NG PHILIPPINE AIRLINES SA CAUAYAN AIRPORT, NAGSIMULA NA

CAUAYAN CITY – Matagumpay na naisakatuparan ang inagurasyon ng Philippine Airlines (PAL) Cauayan-Manila Route sa Cauayan Airport kahapon, ika-15 ng Enero.

Dinaluhan ang makasaysayang kaganapan ng ilang mga lider tulad nina City Mayor Jaycee Dy Jr., Gov. Dax Cua, Gov. Rodito Albano III, Mayor Francis Faustino Dy, Regional Director Troy Alexander Miano, PALEx President Rabibi Vincent Ang, PAL President and COO Captain Stanley, mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod ng Cauayan, at iba pang opisyal ng LGU Cauayan.

Sa panayam ng IFM News Team kay Department of Tourism Regional Director Troy Alexander Miano, inihayag niyang ang pagbubukas ng PAL sa Cauayan Airport ay magdudulot ng malaking benepisyo sa ekonomiya ng lungsod at probinsya ng Isabela.


Aniya, inaasahan na mas dadami ang mga investors at turista na magdadala ng karagdagang oportunidad para sa rehiyon.

Nagpaabot naman ng pasasalamat si City Mayor Ceasar “Jaycee” Dy Jr. sa PAL dahil sa pagbibigay ng mas mabilis at maginhawang transportasyon para sa lokal at dayuhang mga pasahero.

Ito ang ikatlong pagkakataon na mag-operate ang Philippine Airlines sa Cauayan Airport, at inaasahang magpapatuloy ito nang matagumpay.

Samantala, bumyahe na rin ang kauna-unahang flight ng PAL na PR 2019.

Facebook Comments