Manila, Philippines – Ipinatitigil ni Senator JV Ejercito sa Department of Transportation (DOTr) ang operasyon ng Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) na nagsimula noong nobyembre ng nakaraang taon.
Ang PITX ang unang integrated at multi-modal terminal sa Metro Manila na nagsisilbing transfer point ng mga provincial buses mula Cavite, Batangas at in-city modes of transportation.
Giit ni Ejercito, dapat magsagawa muna ng malawakang konsultasyon, pag-aaral at pagpaplano para magkaroon ng mas malinaw na operational procedures sa nasabing terminal.
Tugon ito ni Ejercito sa reklamo ng mga pasahero kaugnay sa kawalan ng transfer trips patungong PITX at iba pang problema.
Aniya, kailangang magkaroon ng shuttle bus na magdadala sa mga pasahero mula sa iba’t ibang business districts tulad ng Makati, Ortigas at Bonifacio Global City patungo sa PITX.
Pinasisiyasat din ni Ejercito sa DOTr ang mga ulat na ilang piling kumpanya lang ng bus ang pinapayagang pumasok sa terminal na matatagpuan sa kahabaan ng coastal road.