Operasyon ng PITX ngayong bisperas ng Undas, balik normal na

Kahit bisperas ng Undas ay balik normal ang operasyon ng Parañaque Integrated Terminal Exchange o PITX.

Ayon kay Ms. Kolyn Calbasa, ang PITX Corporate Affairs, balik sa normal ang operasyon ng terminal ngayong araw.

Sa mga oras na ito, aabot pa lamang sa mahigit 83,000 ang mga pasahero sa PITX.


Ang bilang na ito ay pasok sa 100,000 na daily average ng mga pasahero na sumasakay sa terminal.

Hindi na aniya ganoon karami ang mga pasaherong bumabiyahe ngayong October 31 dahil bago pa lamang ang Barangay at SK Elections ay nagsipagbiyahe na ang mga kababayan pauwi sa kanilang mga probinsya para bumoto at magbakasyon.

Kapansin-pansin ang kakaunting pasahero na luluwas ngayong araw papunta sa mga malalayong probinsya tulad ng Bicol.

Ang mga pasahero na marami ngayon ay mga pauwi sa Cavite, Tagaytay at Laguna na normal na sa nasabing terminal.

Sinabi pa ni Calbasa na inaabangan nila ang pagdagsa ng mga pasahero sa November 4 hanggang 6 dahil sa uwian ng ating kababayan pabalik naman ng Maynila.

Sa kabila naman ng normal na operasyon sa PITX ay mahigpit pa rin ang pagbabantay ng mga awtoridad para masiguro ang ligtas na paglalakbay ng mga kababayan.

Facebook Comments