Tiniyak ni Philippine National Police (PNP) Spokesperson Police Col. Jean Fajardo na hindi maaapektuhan ang operasyon ng PNP sa Negros Oriental kasunod ng ipinatupad na malawakang balasahan ng mga pulis sa lalawigan.
Ang pahayag ni Fajardo ay makaraang alisin sa pwesto and lahat ng 75 tauhan ng Bayawan City PNP at 56 na tauhan ng Sta. Catalina PNP kasama ang kani-kanilang mga hepe.
Ayon kay Fajardo, ang mga inalis sa pwesto ay pansamantalang nilipat sa Police Regional Office 7 (PRO 7) para sumailalim sa refresher course.
Habang ang mga ipinalit naman sa kanila ay nanggaling sa iba’t ibang Provincial Police Offices sa ilalim ng PRO 7.
Ani Fajardo, simula pa lamang ito ng malawakang balasahan sa hanay ng PNP sa rehiyon, bilang pagpapatupad sa utos ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos dahil sa nangyaring pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo.