Naiangat na mula sa north-bound tracks ang locomotive ng nadiskaril na tren sa pagitan ng Dela Rosa at EDSA Stations sa Makati noong Martes.
Mag-aalas nuebe kaninang umaga nang naiangat ang bahagi ng tren sa pamamagitan ng rerailing equipment at crane.
Oras na mai-inkaril o maibalik sa tamang puwesto ay idadaan ang tren maging ang mga tracks sa ‘standard operating procedure’ upang masiguro na ligtas itong madaraanan.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Philippine National Railways (PNR) Operations Department Manager Joseline Geronimo na anumang oras ngayong araw ay tiyak nang maibabalik sa normal ang biyahe ng mga tren mula Tutuban hanggang Alabang at pabalik.
Pagkatapos nito ay pormal na ring sisimulan ng PNR ang imbestigasyon sa posibleng sanhi ng insidente.
Kabilang sa kanilang susuriin ay ang sectional speed restrictions; kung naging maayos ba ang pagsasakay at pagbababa ng mga pasahero; sisilipin din kung may CCTV sa lugar at hihingan ng salaysay ang mga station managers at on board security at train personnel.
Tiniyak naman ni Geronimo na kahit may kalumaan na ang mga tren ng PNR ay nakasusunod ito sa lahat ng scheduled maintenance.
Muli namang humingi ng paumanhin ang pamunuan ng PNR sa mga pasaherong naabala ng aberya.