Operasyon ng POGO, hindi ipatitigil ni Pangulong Duterte; buwis mula sa POGO, gagamitin para labanan ang COVID-19

Hindi ipapatigil ni Pangulong Rodrigo Duterte ang operasyon ng mga Philippine Offshore Gaming Operator o POGO sa bansa.

Ito ay sa kabila ng mga iligal na gawaing konektado sa POGO industry gaya ng money laundering, prostitusyon, hindi pagbabayad ng tamang buwis at umano’y suhulan sa gobyerno.

Sa isang panayam, sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na pwedeng gamitin ang makokolektang buwis sa mga POGO para pondohan ang pagtugon ng pamahalaan sa COVID-19.


Bukod dito, maganda rin, aniya, ang naging report ng Philippine Amusement and Gaming Corporation o PAGCOR sa Pangulo.

Matatandaang sinabi ng PAGCOR na mula 2017, aabot na sa ₱18 billion ang kinita ng gobyerno mula sa regulatory fees na ipinataw sa mga POGO.

Nasa 19,000 Pilipino rin umano ang nagkatrabaho dahil sa POGO.

Samantala, minaliit lang ni Panelo ang naging pahayag ng Anti-Money Laundering Council na nasa ₱14 billion na halaga ng POGO transaction ang kahina-hinala.

Katwiran ni Panelo, magagawan naman ng paraan ang nasabing problema basta’t magpatupad lang ng batas at regulasyon.

Facebook Comments