
Sinuspinde ng Pamahalaang Panlungsod ng Urdaneta ang operasyon ng isang pribadong water service provider sa lungsod matapos ang paglabas ng Executive Order No. 002, Series of 2026, bunsod ng mga reklamo kaugnay sa serbisyo ng suplay ng tubig.
Batay sa kautusan, pansamantalang itinigil ang business permit ng PrimeWater Infrastructure Corporation na nagbibigay ng water utility services sa Urdaneta City.
Ayon sa lungsod, nakatanggap ang Sangguniang Panlungsod at City Government ng mga beripikadong reklamo mula sa publiko kaugnay ng matagal na water interruption, mababang pressure ng tubig sa ilang barangay, at isyu sa kalidad ng tubig.
Iniulat din ng Urdaneta City Water District (UWD) ang patuloy na kakulangan at problema sa operasyon ng serbisyo ng tubig, na itinuturing na paglabag sa mga pamantayan ng potable water at banta sa kalusugan at kalinisan ng publiko.
Dahil dito, inatasan ang Urdaneta City Water District na pansamantalang akuin ang buong operasyon ng water services sa lungsod upang matiyak ang tuloy-tuloy na suplay ng tubig.
May itinakdang transition period na tatlumpung araw mula sa pagtanggap ng kautusan para sa maayos na turnover ng operasyon.
Inatasan din ang PrimeWater Infrastructure Corporation na makipagtulungan sa UWD sa paglilipat ng water service operations habang sinisiguro na hindi mapuputol ang serbisyo sa mga residente ng Urdaneta City. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









