Inaasahang makakapagsimula na ang mga Authorized Agent Corporations (AAC) ng kanilang operasyon para sa small town lottery (STL) sa susunod na linggo.
Ito ay matapos bawiin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang suspensyon para sa STL.
Ayon kay Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Royina Garma – umaasa silang magbabalik ang operasyon ng mga operators basta nakumpleto nila ang lahat ng requirements.
Binigyan ng PCSO ang mga AAC ng dalawang linggo para sumunod sa mga kondisyong inilatag ng Pangulo dahil kung hindi ay kakanselahin ang kanilang kontrata.
Balak din ng PCSO na gawing automated ang operation ng STL.
Kabilang sa mga inilatag na kondisyon ay: pagdeposito ng three-month cash bond ng PCSO share sa guaranteed minimum monthly retail receipts o GMRR at magkaroon ng written undertaking na tatalima ang mga ito sa STL agreements.
Nang tanungin kung paano makakabawi ang PCSO sa tatlong linggong pagpapasara ng STL, sinabi ni Garma na mareresolba ito sa pamamagitan ng pagbubukas ng mga bagong STL branch.