Operasyon ng UV Express na nang-araro ng ilang motorsiklo sa Quezon City, sinuspinde ng LTFRB

Sinuspinde ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang operasyon ng UV Express na sangkot sa pang-aararo ng ilang motorsiklo sa bahagi ng Commonwealth Avenue, Quezon City nitong Biyernes, October 17.

Ayon kay LTFRB Chairman Atty. Vigor Mendoza II, nag-isyu na sila ng show cause order para sa may-ari ng naturang UV Express at pinagpapaliwanag kung bakit hindi dapat bawiin ang prangkisa nito.

Bukod dito, pinapasauli ng ahensya ang plaka ng UV Express habang ii-impound naman ang unit.

Samantala, nahaharap din sa iba pang kaso ang may-ari dahil sa pagtanggap nito sa driver na kalaunan ay naaresto ng mga awtoridad.

Dahil sa insidente, isa ang napaulat na namatay habang 13 naman ang sugatan at ilang motorsiklo ang nasira.

Lubos na nakikiramay si Chairman Mendoza sa pamilya ng nasawing biktima at nangakong mabibigyan ng hustisya ang mga ito sa nangyaring aksidente.

Facebook Comments