Operasyon ng WESM, pansamantalang ipinatitigil ni PBBM

Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa Energy Regulatory Commission o ERC ang pansamantalang pagsuspinde sa operasyon ng Wholesale Electricity Spot Market o WESM.

Ito ang isa sa direktiba ni Pangulong Marcos sa isinasagawang pagdiriwang ng Araw ng Paggawa ngayong araw sa Malacañang.

Sa kaniyang talumpati, sinabi ng pangulo na ang kautusang ito ay ipatutupad sa tuwing may deklarasyon ng red alert sa sitwasyon ng kuryente.


Ayon sa pangulo, layunin nitong mapigilan ang pagtaas ng presyo ng kuryente sa bansa.

Kaugnay nito, sinabi ng pangulo na hindi nagkukulang ang pamahalaan sa mga ginagawang hakbang para maibsan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng bilihin at kuryente sa gitna na rin ng nararanasang El Niño phenomenon.

Sinisiguro aniya ng pamahalaan na sapat ang suplay ng mga produkto para maiwasan ang pagtaas ng presyo.

Mayroon din aniyang ipinatutupad na tulong pinansiyal ang pamahalaan para sa mga lubhang naapektuhan ng epekto ng tagtuyot lalo na ang mga nasiraan ng mga pananim sa bahagi ng Mindanao.

Facebook Comments