Manila, Philippines – Nanawagan muli ang Armed Forces of the Philippines sa hanay ng New People’s Army na sumuko na lamang sa pamahalaan upang hindi matulad sa kanilang mga kasamahang napapatay sa mga military operations.
Ginawa ng AFP ang panawagang ito dahil sa mas pinaigting nilang operasyon laban sa NPA matapos na pirmahan na ng Pangulong Rodrigo Duterte ang Presidential Proclamation No. 360.
Nakapaloob rito ang pormal ng pagtatapos ng peace talks sa pagitan ng pamahalaan at Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front o (CPP-NPA-NDF).
Ayon kay AFP Public Affairs Office Chief Marine Col Edgard Arevalo, umaasa silang sa mga susunod na araw ay mas maraming miyembro ng NPA ang susuko.
Sa datos ng AFP, sa nakalipas na buwan lamng ng Nobyembre ay 119 NPA ang na-neutralize, 21 dito ang napatay sa military operations, 29 ay naaresto at 69 ay kusang loob na sumuko.
Nakarekober rin ang militar ng 62 high powered at low powered firearms mula sa mga rebelde.