Ipinagmalaki ng Philippine National Railways (PNR) na nabawasan ang kanilang operating expenses nitong halos kalahati ng 2018.
Ayon kay PNR General Manager Junn Magno – malaki ang ibinaba, mula ₱771 million noong 2017 ay naging ₱395 million nitong nakaraang taon.
Bunsod aniya ito sa reporma at transformation initiative ng gobyerno sa ilalim ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Binanggit din ni Magno ang improving financial stability ng PNR, kung saan umangat ang rail revenues nito ng 6% mula ₱239 million patungong ₱255 million nitong 2018.
Tumaas din ang non-rail revenues nito ng 9%, mula ₱159 million hanggang ₱174 million.
Ang pagbabagong ito ay nagresulta ng maraming pasaherong tumatangkilik mula sa PNR.
Sa ngayon, siyam na bagong tren ang binili ng PNR mula Indonesia na darating sa Disyembre ngayong taon.
Target din ng PNR na itaas ang reliability ng mga tren sa 90%.
Kamakailan, inaprubahan na ng National Economic and Development Authority (NEDA) board ang ₱211.42 billion – PNR North 2 (Malolos-Clark) project; ang ₱175.32 billion PNR South long haul (Manila-Bicol) at ang ₱124.14 billion PNR South commuter line (Tutuban-Los Baños).