Magsisimula na muli bukas na mag-opera ang mga doctor ng Philippine General Hospital (PGH) makaraang mahinto dahil sa sunog na naganap sa gusali kung nasaan ang Operating Room Supply and Autoclave Room (ORSA) ng ospital noong lingo.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni UP-PGH Spokesperson Dr. Jonas del Rosario, hindi na nila maaaring i-delay ang mga naka-schedule na operasyon ng mga pasyente lalo na’t nasa 240 na ang naitala nilang backlog.
Ayon kay del Rosario, bagama’t nasa 32 operating rooms ang umaasa sa ORSA kung saan ini-sterilized ang lahat ng operating instrument, mayroon pa silang isang ORSA sa Out-Patient Department (OPD) at handa ring tumulong sa kanila ang ibang mga kalapit na ospital.
Batay sa pagtataya ng PGH, nasa tatlo hanggang apat na buwan bago maibalik sa normal ang operasyon sa nasunog na gusali na tinatayang nasa ₱50 million ang halaga ng napinsala.