Inaprubahan na ng Commission on Elections (Comelec) En Banc ang pagbuo ng national task force para sa operation baklas sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) 2023.
Sa panayam kay Comelec Spokesperson Atty. John Rex Laudiangco, pangungunahan ito ng Comelec kasama ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP).
Sa pinalabas na resolusyon ng En Banc, awtorisado na rin aniya kumilos ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno para sa nasabing operasyon.
Kabilang na rito ang Philippine National Police (PNP), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), at Department of Public Works and Highways (DPWH).
Giit ni Laudiangco, magiging mahigpit ang Comelec sa mga mahuhuling responsable sa pagkakabit ng posters at pagpapaliwanagin ang mga ito kung bakit hindi sila maaaring makasuhan ng premature campaigning.
Tututukan na rin aniya ng Comelec ang mga petition to cancel ng mga COC at petition for disqualification upang maisapinal ang talaan ng mga kandidato sa BSKE bago mag-October 30.
Samantala, nilinaw naman ni Laudiangco na papayagan lamang ang pagkakabit ng posters at pamimigay ng flyers simula October 19 hanggang October 28.