Operator at tsuper ng jeep na nagpababa at namahiya ng pasahero dahil sa pangangatawan nito, haharap ngayong araw sa ipinatawag na pagdinig ng LTFRB

Inaasahang haharap mamayang alas-2:30 ng hapon sa tanggapan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB ang tsuper at operator ng jeepney na nagpababa sa isang pasahero dahil sa pangangatawan nito.

Sa Show Cause Order na inilabas ng LTFRB, pinagpapaliwanag ang tsuper ng jeep na may plakang NWJ 221.

Bukod sa tsuper at misis nito na nakialam at kasama sa pagpapahiya sa 29-anyos na pasahero kabilang din sa inaasahang darating para magbigay linaw ay ang Registered Franchise Holder at Operator na sina Flora Magtibay at Romeo Guerrero ng Double A Transport Corporation.


Nag-ugat ang reklamo matapos mag-viral sa social media ang Facebook post ng biktima na kinilalang si Joysh Gutierrez.

Sa reklamo ni Gutierrez na ipinarating sa LTFRB noong June 10, pwersahan siyang pinababa ng tsuper ng jeep at misis nito dahil mataba raw siya at baka ma-flat ang kanilang ipinapasadang jeep.

Sa gaganaping pagdinig mamayang alas-2:30 ng hapon, gagamitin itong basehan ng Regulatory Agency sa ilalabas na desisyon kung papatawan ng suspension o kanselasyon sa prangkisa ng nabanggit na passenger jeepney na biyaheng Baclaran.

Facebook Comments