
Inatasan na ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang operator ng gumuhong landfill sa Rodriguez, Rizal na magpatupad ng mga hakbang para maiwasan ang insidente ng muling pagkakaroon ng trash slide.
Ayon sa DENR, inatasan na nila ang Green Leap Solid Waste Management na patagin at ayusin ang gumuhong bahagi ng landfill upang hindi na maulit pa ang nangyari.
Patuloy naman ang monitoring ng Environmental Management Bureau (EMB) at nag-deploy na rin sila ng mga tauhan para alamin ang lawak ng pinsala at ang ulat ng mga nawawalang indibidwal.
Kaugnay nito, pinagsusumite rin ng EMB ang Green Leap Solid Waste Management na magsumite ng detalyadong action plan at mag-report araw-araw tungkol sa ginagawang retrieval at rehabilitation.
Bukod dito, ipinag-utos din ng ahensiya ang waste compaction at araw araw na pagtatabon ng lupa, kontroladong galaw ng heavy equipment at pagbabawal sa paglapit sa high-risk na bahagi.
Magkakaroon naman ng Technical Conference kasama ng operator ng landfill para talakayin ang insidente at alamin kung sumunod sa Environmental Compliance Certificate.
Mag-iisyu rin ng notice of violation sakaling mapatunayan na may naging paglabag batay sa resulta ng magiging imbestigasyon.










