
Kinumpirma ng operator ng LRT-1 na tumalon sa kaniyang kamatayan ang isang lalaki mula sa Fernando Poe Jr. station sa Quezon City.
Ayon sa pahayag ng Light Rail Manila Corporation (LRMC), bandang 10:30 kaninang umaga nang tumalon ang lalaki mula sa platform ng istasyon at bumagsak sa gitna ng EDSA northbound.
Agad namang rumesponde ang security at safety team ng LRMC, at ilang sandali lang ay dumating ang mga lokal na awtoridad upang pangasiwaan ang insidente.
Idineklarang dead on arrival ang lalaki dahil sa matinding pinsala dulot ng pagkahulog. Iginiit ng LRMC na nakikipagtulungan sila sa mga awtoridad para sa patuloy na imbestigasyon.
Nagpaabot din ng pakikiramay ang pamunuan ng LRMC sa pamilya ng nasawi.
Nilinaw ng kumpanya na hindi naapektuhan ang operasyon ng LRT-1, at nanatiling normal ang biyahe ng mga tren.
Muling tiniyak ng LRMC ang kanilang pangako sa pagbibigay ng ligtas at maaasahang serbisyo, at nanawagan sa publiko na mahigpit na sundin ang lahat ng safety rules at regulasyon sa loob ng mga istasyon.










