Operator ng Resorts World Manila, sinuspinde ng PAGCOR

Manila, Philippines – Tuluyan nang sinuspinde ng Philippine Amusement And Gaming Corporation (PAGCOR) ang lisensya ng Resorts World Manila (RWM).

Ito’y dahil sa naganap na pag-atake rito na siyang ikinamatay ng 38 katao at ikinasugat naman ng mahigit 70.

Ayon kay PAGCOR Corporate Secretary Juanito Sanosa – pinatitigil ang operasyon ng casino at iba pang gaming facilities ng Travelers International Hotel Group, Inc. na nasa RWM.


Mananatiling suspendito ito habang gumugulong ang imbestigasyon sa nangyaring insidente noong June 2.

Dagdag pa ni Sanosa – nadungisan ang tourism industry ng bansa dahil sa nangyari.

Kumbinsido rin ang PAGCOR na may pagkukulang sa seguridad ang casino-hotel

Nilabag din ng RWM ang inilabas na abiso ng PAGCOR noong May 24 kung saan inutusan nito ang lahat ng gaming sites na taasan ang kanilang security preparedness at siguraduhin ang kaligtasan ng kanilang mga empleyado at guest.

Sa ngayon, hinihintay pa ng PAGCOR ang ulat ng PNP-SOSIA at Bureau of Fire and Protection (BFP) sa nangyari.

Sinabi pa ni Sanosa – posibleng mawalan ng tuluyan ng lisensya ang operator ng RWM dahil sa nangyaring insidente.
Samantala, nagpaplano naman ang Resorts World na buksan na ang kanilang retail facilities sa susunod na Linggo.
DZXL558

Facebook Comments