Manila, Philippines – Nagpahayag na ang ilang senador ukol sa pagbibitiw ni Department of Justice (DOJ) Secretary Vitaliano Aguirre.
Para kay Senadora Grace Poe, pwedeng ‘ma-endo’ anumang oras ang isang cabinet member kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Aniya, maaring silipin ang naging trabaho ng nagbitiw na opisyal kung makikitaan ng pag-abuso o oversight.
Naniniwala rin si Poe, hindi maaring papalitan na lamang ang isang opisyal na walang kaparusahan o pagkastigo.
Tamang hakbang naman para kay Senador Sonny Angara ang ginawa ni Aguirre para mabigyan si Pangulong Duterte ng pagkakataon na magkaroon ng bagong simula ang DOJ.
Ayon kay Angara, mahalagang makita ng publiko na mapagkakatiwalaan at sandigan nila ang kagawaran.
Sinabi naman ni Senador Risa Hontiveros, huli na para gawin ni Aguirre ang pagbibitiw dahil ‘damage is done’.
Iginiit din ni Hontiveros, ginawa rin ni Aguirre na tagataguyod ng fake news, manufacturer ng fake legal cases para i-harass ang oposisyon ng mga drug lord, mandarambong at high profile criminals ang justice department.
Ikinatuwa naman ni Senador Bam Aquino ang pagkakaisa ng oposisyon at ni Pangulong Duterte sa isyung ito.
Ayon kay Aquino, ang mga Pilipino ay nararapat lamang na magkaroon ng credible, capable at respectable justice secretary.
Ikinalungkot naman ni Senate President Koko Pimentel ang pagbibitiw ng kalihim.