Iginiit ni Senate Minority Leader Koko Pimentel na bukod sa bawasan ang confidential fund ay alisin ang intelligence fund ng Office of the President.
Ang reaksyon ni Pimentel ay kasunod ng inilabas na statement ng Senado na wala silang confidential funds ngayon taon.
Kaugnay rito ay iminungkahi ni Pimentel sa Kongreso na bawasan ang confidential fund at tanggalin ang pondo sa intelligence ng tanggapan ng pangulo dahil ito naman ay maituturing na isang civilian agency.
Katwiran ng senador, hindi dapat ma-engage sa intelligence gathering ang OP lalo pa sa bigat at dami ng trabaho ng opisina.
Aniya, kung talagang abala ang OP ay wala rin dapat oras ang mga tauhan nito sa surveillance work at intel gathering.
Hirit ni Pimentel, ipaubaya ang trabahong ito sa mga eksperto sa larangan ng intelligence maliban na lang kung talagang sobra-sobra ang oras ng mga taga-OP.