
Iginiit ni Senate President Tito Sotto III na patuloy ang operasyon ng opisina ni Senator Bato dela Rosa sa kabila ng pagiging absent nito ng halos isang buwan sa mga pagdinig at sesyon ng Senado.
Tugon ito sa tanong ni Human Rights Lawyer Atty. Theodore Te, Interim Chairman ng Free Legal Assistance Group, na hindi ba maituturing na paglabag sa Article 234 ng Revised Penal Code ang intensyunal na pagliban ni Dela Rosa sa kanyang opisina dito sa Mataas na Kapulungan.
Ayon kay Sotto, debatable ang pahayag ni Te dahil ang Article 234 ay tungkol sa pagtanggi na gampanan ang tungkulin sa elective office pero hindi ito tungkol sa pag-absent.
Maituturing aniyang absent si Sen. Bato pero ang kanyang opisina ay patuloy na nagsusumite ng mga panukalang batas at mga pag-amyenda ukol sa ongoing na budget at iba pang mga pagdinig.
Inulit naman ng Senate president ang mungkahi na kung may reklamo sila sa matagal na pag-absent ng isang senador ay magsampa na lamang ng reklamo sa Ethics Committee.









