Namatay ang isang opisyal ng Philippine Army at sugatan naman ang tatlo pang sundalo nang pasabugan ng landmine ng NPA ang Barangay Ramay, Oas, Albay, kamakalawa.
Kasabay nito, mariing kinondena ni 9th Infantry (Spear) Division at Joint Task Force Bicolandia Commander Major General Adonis Bajao ang patraydor na pag-atake ng NPA na labag sa International Humanitarian Law.
Batay sa ulat, rumesponde ang grupo ni 2nd Lt. Nico Malcampo sa sumbong ng mga residente tungkol sa extortion activities ng NPA sa isang construction project sa lugar nang pasabugan sila ng anti-personnel mine ng mga terorista na agad na ikinasawi ni Malcampo at ikinasugat ng tatlo niyang kasamahan.
Nagkapalitan pa ng putok ang mga tropa ng militar at rebelde kung saan nasawi ang isang miyembro ng NPA.
Narekober ng tropa sa encounter site ang tatlong matataas na kalibre ng baril at iba pang gamit ng mga terorista.
Kasunod nito, tiniyak ni MGen. Bajao na papanagutin ng militar ang mga responsable sa insidente at hindi titigil hangga’t hindi napupulbos ang mga terorista.