Nanawagan sa Commission on Elections (Comelec) ang ilang mga opisyal ng Barangay Ambolodto sa Datu Odin Sinsuat sa Maguindanao, del Norte dahil sa insidente ng pananakot at terorismo.
Sa liham na ipinadala ni Punong Barangay ng Ambklodto na si Loay Keith Sinsuat sa Comelec, nakaranas ng matinding takot ang mga residente sa nagdaang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Aniya, inireklamo nila ang kaso ng terorismo na ginawa ng mahigit 20 tao na nanggigipit sa kanilang barangay kaya’t gumulo ang pamumuhay ng mga residente maging ang pag-aaral ng kanilang anak.
Ilang residente rin ang lumikas matapos mag-ikot at kunan ng video ng dalawang pick-up truck na pagmamay-ari ni Asnawi Jojo Limbona at kanyang asawa na si Hiejira Limbona na isang Mindanao State University Maguindanao Chancellor.
Maging sa mismong botohan ay makikita sa CCTV ang mag-asawang Jojo at Hiejira Limbona na kinokontrol ang isang presinto kung saan ginagamit nila ang makinarya ng unibersidad habang isang poll watcher ang nagreklamo matapos na suntukin ni Limbona.
Matatandaan ang Barangay Ambolodto ay bahagi ng isinusulong na dibisyon sa Datu Odin Sinsuat na hinihinalang isa sa dahilan ng pananakot.
Bukod sa Comelec, nanawagan rin si Sinsuat sa PNP, AFP, at iba pang ahensya ng pamahalaan na tutukan ang kaso ng karahasan sa kanilang barangay.