Pinangalanan ni Senador Ping Lacson ang isang opisyal ng Bureau of Corrections (BuCor) na umano’y sangkot sa pagpapalaya sa mga bilanggong sangkot sa pagdukot, panggagahasa at pagpatay sa magkapatid na Marijoy at Jacqueline Chiong.
Kinilala ng Senador ang nasabing opisyal na si Maria Fe Marquez na siyang nakapirma sa mga dokumentong nagpapahintulot sa paglaya ng mga convict.
Nauna nang sinabi ni Lacson na kasama sa mga pinalaya ang mga sangkot sa pagpatay at panggagahasa sa magkapatid na Chiong dahil sa Good Conduct Time Allowance (GCTA) Law.
Aniya, tatalakayin nila ang mga pag-abuso sa nasabing batas sa gagawing Joint Hearing ng Senate Committee on Justice at Blue Ribbon Committee bukas.
Itinanggi naman ni BuCor Chief Nicanor Faeldon na mayroon siyang pinirmahang mga papeles sa pagpapalaya sa mga nasabing convict.