Opisyal ng Bureau of Plant Industry, dumipensa sa pagdadawit sa kanya sa agri smuggling

Pinabulaanan ni Bureau of Plant Industry (BPI) Dir. George Culaste ang umano’y pagkakasangkot niya sa malawakang agricultural smuggling sa bansa.

Sa interview ng RMN Manila, giniit ni Culaste na ginagawan lamang siya ng kwento dahil sa mga nadiskubre niyang seryosong alegasyon ng extortion lalo na sa importasyon.

Katunayan, ginawa umano niyang fully automated ang pagkuha ng mga importers ng permit para masawata ang korapsyon.


Kung may protektor man ng mga smuggler, iyon aniya ay ang mga taong mismong nasa port.

“Maganda naman ho ang takbo namin noong una. Lagi kaming nakakahuli diyan sa port, during the time ni Secretary [Manny] Piñol yun, hindi ka makakita ng mga smuggled na carrots diyan sa divisorial na naglipana,” saad ni Culaste.

“Nung napalitan si Secretary Piñol, ‘yung mga tao ko sa port pinagpapalitan din, so wala na ‘kong mga taong maaasahan na meron akong trust and confidence sa mga tao doon sa port. Sila sila na lang po yung nagde-decide diyan until such time na na-discover ko na may mga complain d’yan na mga serious allegation of extortion,” dagdag niya.

“At saka hindi ko kasundo yung mga tao d’yan sa port, sila yung gumagawa ng mga istoryang ganyan para matanggal ako. Tina-timing nila na medyo magche-change ng administration kasi alam ko na kung sino sila diyan na mga korap diyan sa port,” giit pa niya.

Kaugnay nito, sinabi ni Culaste na handa siyang makipagtulungan sa anumang imbestigasyon hinggil sa isyu at umaasa siyang mabibigyan siya ng pagkakataon na depensahan ang kanyang sarili.

Bago ito, isang listahan ng mga opisyal ng Bureau of Customs at Department of Aagriculture na sinasabing mga protektor ng mga agricultural smuggler ang inilabas ng Senado at ngayo’y hawak na rin ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.

Facebook Comments