Opisyal ng MPD, personal na ininspeksyon ang mga inilatag na checkpoint; mga pulis may panawagan sa mga motorista

Personal na ininspeksyon ni Manila Police District (MPD) Chief Police Brig. Gen. Leo Francisco ang ikinakasang checkpoint ng kaniyang mga tauhan.

Partikular sa mga boundary sa lungsod ng Maynila sa pagitan ng Caloocan, Navotas, Mandaluyong, San Juan, Pasay at Quezon City.

Ito’y para masiguro na nasusunod ang mga patakaran sa pagsasagawa ng checkpoint at guidelines sa ipinapatupad na health protocols matapos ulit isailalim sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang Metro Manila.


Nasa higit 20 pulis ng MPD ang naka-deploy sa bawat inilatag na checkpoint kung saan iniisa-isa ng mga ito ang bawat motorista para masigurong pawang mga Authorized Person Outside Residence (APOR) lamang ang mga bumibiyahe.

Nais din ni Gen. Francisco na masigurong ligtas at nasa maayos na kalusugan ang bawat tauhan ng MPD na nagbabantay sa checkpoint.

Kaugnay nito, nananawagan naman ang MPD sa mga motorista na habaan ang pasensiya sa mga daraanan nilang checkpoint, makipag-ugnayan ng maayos sa mga awtoridad at ihanda ang mga kaukulang dokumento upang maging mabilis ang proseso o ang pagsusuri sa checkpoint.

Facebook Comments