
Isang opisyal ng National Commission for the Culture and the Arts (NCCA) ang kinasuhan sa korte dahil sa reklamong cyberlibel.
Batay sa kopya ng desisyon, nag-isyu ng warrant of arrest si Judge Judita Patriarca Nafarrete ng Iloilo City Regional Trial Court Branch 38 laban kay Nereo Lujan, member ng Executive Council ng NCCA National Committee on Monuments and Sites.
Nag-ugat umano ang reklamo sa mga pahayag nito laban kay dating Iloilo City Mayor Jerry Treñas.
Ibinasura ng prosekusyon ang motion for reconsideration ng NCCA official at inirekomenda ang pagsasampa ng cyberlibel matapos makitaan ng sapat na batayan para panagutin sa mga social media post nito.
Nag-ugat ang kaso mula sa 8 counts ng cyberlibel na inihain laban kay Lujan dahil umano sa paninirang puri.
Ayon kay Prosecutor Caryl Kate Fabella-Genova III, sinadyang ipahiya ang dating opisyal nang sabihin na siya ang nangungunang traffic violator.
Sumuko na ang opisyal at nakapaglagak ng piyansa na P48,000 sa bawat kaso.
Sa 8 bilang ng kaso, dalawa lang ang inaprubahan ng husgado na maglabas ng arrest warrant.










