Cauayan City, Isabela- Natimbog na ng pinagsanib na pwersa ng Philippine National Police (PNP) at National Task Force TO End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ang hinihinalang opisyal ng New People’s Army (NPA) na itinuturong responsable sa pagpatay sa dating akalde ng Gonzaga, Cagayan noong taong 2014.
Kinilala ng mga otoridad ang suspek na si Allan Rey Balanay, 48 taong gulang at itinuturing na Top 8 Most Wanted Person sa buong Region 2.
Nadakip ng mga otoridad si Balanay sa bisa ng warrant of arrest sa barangay Mabilao, San Fabian, Pangasinan noong araw ng Lunes, December 14, 2020.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Major Jekyll Dulawan, chief ng Division Public Affairs Office (DPAO) ng 5th Infantry Division, Philippine Army, ayon sa kanilang nakuhang impormasyon, si Balanay ay sinasabing pinuno ng Henry Abraham Command ng Northern Front Committee na nag-ooperate sa hilagang bahagi ng Cagayan.
Ang nasabing grupo ni Balanay ay ang itinuturo din na may kagagawan sa pamamaril kay Mayor Carlito Pentecostes Jr. habang siya ay nasa flag raising ceremony.
Bukod dito, si Balanay ay hinihinala rin na sangkot sa pagkamatay ng anim (6) na kasapi ng PNP Regional Public Safety Battalion sa Baggao, Cagayan noong February 2016.