Mataas na Opisyal ng Sundalo, Sinapak ng Isang Empleyado ng LGU Cauayan City!

*Cauayan City, Isabela- *Nauwi sa pananapak ng isang empleyado ng LGU Cauayan City sa isang mataas na opisyal ng kasundaluhan dahil lamang sa hindi pagkakaunawaan sa espasyo sa parking area.

Kinilala ang biktimang sundalo na si Army Capt. Ralph Eugene Martinez, ang Commanding Officer ng 52nd Reconnaissance Company na nakabase sa bayan ng San Mariano, Isabela habang ang suspek naman ay si Jay Bartolome, nasa tamang edad at isang empleyado ng LGU Cauayan City.

Sa nakalap na impormasyon ng RMN Cauayan, kumakain sa isang fastfood chain ang biktima nang makita nitong tinabihan ng isang Toyota Vios ang kanyang nakaparadang sasakyan kaya’t kinausap nito ang suspek na ilayo ang kanyang sasakyan upang mabuksan nito ang kanyang pintuan.


Hindi umano nagkaunawaan sina Army Capt. Martinez at Bartolome na humantong sa pambubugbog kay Martinez.

Agad na nagtungo sa himpilan ng pulisya ang naturang sundalo upang magreport kaya’t agad namang inimbitahan ang suspek sa presinto subalit hindi nagkaayos ang magkabilang panig kaya’t silay inindorso na lamang ng kapulisan sa barangay na nakakasakop sa pinangyarihan ng insidente.

Kaugnay nito ay nakatakdang mag-usap ngayong araw sina Army Capt. Martinez at Bartolome sa tanggapan ng Kapitan ng brgy. San Fermin, Cauayan City hinggil sa nasabing insidente.

Facebook Comments