Oplan Baklas ng mga campaign material na mali ang sukat sa mga pribadong lugar, pinasususpendi sa COMELEC

Pinasususpendi ng isang election lawyer sa Commission on Election (COMELEC) ang mga regulasyon hinggil sa malalaking campaign posters na kinakabit sa mga private property.

Ayon kay Atty. Romulo Macalintal, dapat repasuhin muna ng COMELEC ang mga patakaran nito hinggil sa Oplan Baklas.

Aniya, ang pagbaklas ng mga campaign posters sa mga pribadong lugar ng walang pasabi o pagdinig ay malinaw na paglabag sa constitutional rights ng tao at due process.


Giit pa ni Macalintal, ang nilalaman ng Republic Act 9006 o Fair Election Act kaugnay sa election propaganda materials ay hindi applicable sa private persons o non candidates.

May karapatan din aniya ang mga pribadong tao na ihayag ang kanilang ideya o pananaw sa pamamagitan nang paglalagay ng campaign materials sa kanilang sariling pag-aari.

Kasabay nito, hinikayat naman ni Macalintal ang publiko na nakaranas nito na maghain ng reklamo sa Korte Suprema.

Facebook Comments