Oplan Biyaheng Ayos: Undas 2019 kasado na – DOTr

Kasadong-kasado na ang Oplan Biyaheng Ayos: Undas 2019 matapos na ipag-utos na ng Department of Transportation (DOTr) ang paglalagay ng Malasakit Help Desks (MHD) sa lahat ng Transport hubs sa buong bansa.

Ang kautusan ay bahagi ng “Oplan Biyaheng Ayos: Undas 2019,” ng ahensiya na handang magbigay ng tulong sa publiko sa panahon ng Undas.

Ayon kay DOTr Secretary Arthur Tugade, magsisilbi aniyang One-Stop Shop ang Malasakit Help Desk para umasiste sa mga pasahero sa mga airports, seaports, train stations, at land terminals.


Paliwanag ng kalihim na kasama sa tulong na ibibigay ng Help Desk ang pamamahagi ng Malasakit Help kits lalo na sa mga buntis, mga babae na may kasamang mga bata, mga matatanda at mga taong may kapansanan.

Giit pa ni Tugade, nais ng DOTr na gawing maginhawa at maayos ang paglalakbay ng mga luluwas sa kani-kanilang probinsiya para gunitain ang kanilang mga mahal sa buhay.

Paalala naman ng DOTr na libre sa terminal fees sa airport at seaports ang mga estudyante mula elementarya hanggang college levels kabilang ang naka-enroll sa technical at vocational schools.

Pati na ang mga senior citizens, PWDs at aktibong Uniformed Personnel ng AFP, PNP, Philippine Coast Guard (PCG) at mga Medal of Valor Awardees at kanilang pamilya.

Facebook Comments