‘Oplan Habol’ laban sa mga pasaway na motorista sa ilalim ng ECQ, ikinasa ng PNP-HPG

Simula ngayong Miyerkules, magsasagawa na ng “Mobile Checkpoint o Oplan Habol” sa EDSA at sa mga ibang pangunahing kalsada sa Metro Manila ang mga motorized units ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HGP).

Kasunod na rin ito ng dumaraming bilang ang mga bumibiyaheng pribadong sasakyan sa metro manila sa kabila ng lockdown.

Sa interview RMN Manila kay Joint Task Force COVID-19 Shield Commander, PNP Deputy Director for Operations Police Lieutenant General Guillermo Eleazar, ipinag-utos na niya na sitahin ang mga motoristang hindi otorisadong bumiyahe sa ilalim ng Enhanced Community Quarantine (ECQ).


Ayon kay Eleazar, titiketan ng Ordinance Violation Receipt o OVR ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga mahuhuli dahil sa paglabag sa mga patakaran ng Inter-Agency Task Force (IATF).

Nilinaw ng opisyal na tanging mga frontliners at empleyado ng mga kompanyang nagbibigay ng mga mahahalagang serbisyo na may exception sa quarantine ang palulusutin ng HPG pero dadaan pa rin sila sa inspection.

Bukod sa pag-iikot ng motorized units, nakabantay rin ang PNP-HPG sa walong checkpoints papasok at palabas ng Metro Manila mula Bulacan, Rizal, Laguna at Cavite.

Samantala, dahil nakamando sa mga checkpoint at mga palengke, tumataas din ang bilang mga pulis na nagpositibo sa COVID-19.

Sa ngayon ay umakyat na sa 50 ang bilang ng mga pulis na positibo sa COVID-19 kung saan walo ang naka-recover habang tatlo na ang pumanaw.

Facebook Comments