Binigyang diin ni COVID-19 Chief Implementer Secretary Carlito Galvez na naging daan ang Oplan Kalinga upang mapababa ang transmission ng COVID-19.
Ang Oplan Kalinga ay pagsundo sa tahanan ng mayroon mild COVID cases at mga asymptomatic at dadalhin sila sa quarantine facilities upang hindi na makapanghawa pa ng ibang miyembro ng kanilang pamilya.
Ayon kay Galvez, magmula ng ipatupad ang programa noong Agosto, nakapag- isolate na sila ng 24,538 na mga indibidwal.
Kung titignan din aniya ang datos noong August 14 nasa 88,109 ang active cases sa bansa pero nang ipatupad ang Oplan Kalinga ay bumaba ang active cases sa 53,754.
Paliwanag ng opisyal, dahil sa pag alis sa mga may mild symptoms ng COVID-19 sa kanilang tahanan, bumaba ng higit 34,000 ang naitalang active cases at malaking tulong din ang programa upang makaiwas sa pagkakaroon ng karagdagang 100,000 panibagong kaso ng COVID-19.
Kasunod nito, patuloy aniya ang pagdaragdag nila ng mga quarantine facilities.
Sa ngayon, mayroon na aniya tayong 20 mega quarantine facilties, 29 na hotels na mayroong halos 3 libong bed capacities.