Cauayan City, Isabela – Pinaghahandaan na ng Police Regional Office (PRO2) ang kanilang Oplan Ligtas SumVac (Summer Vacation) 2019 na naglalayong masiguro ang kaligtasan at proteksyon ng publiko sa panahon ng Semana Santa at Summer Vacation.
Sa panayam ng 98.5 RMN Cauayan kay Police Lieutenant Colonel Chevalier I ringan, tagapagsalita ng PRO2, ibinahagi nito ang kanilang isasagawang paghahanda sa darating na bakasyon.
Aniya, handang-handa nang maglingkod ang mga kapulisan sa mga mamamayan ngayong darating na bakasyon na magsisimula sa Abril 5, 2019 at magtatapos sa Hunyo 12, 2019.
Ayon pa kay P/LtCol Iringan, kanilang tututukan ang mga isasagawang operasyon sa anti-kriminalidad at babantayan ang mga pangunahing ruta ng mga magbabakasyon upang masiguro na ligtas ang mga ito.
Samantala, gaganapin ang kauna-unahang pista ng PRO2 sa loob mismo ng kanilang kampo bukas Abril 4 hanggang Abril 7, taong kasalukuyan.
Inaanyayahan ng nasabing opisyal ang lahat ng mga interesado upang makiisa at makisaya sa kanilang tanggapan para sa pagdiriwang ng kanilang kapistahan.